Usap-usapan ang pasabog ni Cavite 4th District Representative Kiko "Congressmeow" Barzaga hinggil sa pagkakaroon ng bagong House Speaker ng House of Representatives (HOR).
Maugong ang balitang magbibitiw na bilang lider ng Kamara, Miyerkules, Setyembre 17, si Leyte 1st District Representative at House Speaker Martin Romualdez, batay sa iba't ibang ulat.
Matatandaang bandang hapon ng Martes, Setyembre 16, ay maagang natapos ang sesyon sa Kamara, at napabalita rin ang pakikipagpulong ni Romualdez kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Matunog ang pangalan ni Isabela 6th District Representative at Deputy Speaker Faustino “Bojie” Dy III na siya umanong papalit sa kaniya bilang House Speaker.
Sa Facebook page naman ni Barzaga, tila nagbigay na siya ng kumpirmasyong may bago na ngang House Speaker.
"Abangan niyo post ko sa page, magkakaroon na ng bagong house speaker!" aniya sa kaniyang Facebook page na "Congressman Kiko Barzaga," bandang 6:00 ng gabi.
Bandang 7:00 ng gabi, ibinahagi ni Barzaga ang ginawang pubmat na ang papalit na House Speaker ay si Dy, na "close friend of Martin Romualdez and party mate of President Marcos," batay sa mababasa rito.
"May bagong house speaker na!" aniya.
Photo courtesy: Screenshot from Congressman Kiko Barzaga (FB)
Bandang 10:00 ng gabi, sinabi ni Barzaga na wala na umano sa bansa si Romualdez.
"Wala na raw si Romualdez sa Pilipinas, baka kasama na niya ngayon si Zaldy Co," aniya.
Photo courtesy: Screenshot from Congressman Kiko Barzaga (FB)
Matatandaang bago nito, nagbigay rin ng pahayag si Barzaga sa pagnanais na maging House Speaker.
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Kiko Barzaga, tatangkaing palitan si HS Martin Romualdez
Si Barzaga ay kongresistang kamakailan lamang ay kumalas sa National Unity Party (NUP) at House majority bloc, at diretsahang tumutuligsa kay Romualdez.
“While the betrayal of trust is disappointing, I believe it is in the best interests of both myself and the National Unity Party that we go our separate ways, I will also be leaving the majority since I voted for Speaker Romualdez due to my party’s instructions,” saad ni Barzaga sa kaniyang Facebook post, Miyerkules, Setyembre 10.
"I supported Speaker Romualdez due to this, though now that I am free from my party’s constraints, I suggest that he must be investigated for any anomalies involving Flood Control Public Funds," aniya pa.
Inakusahan din umano siyang nangangalap ng mga lagda upang mapatalsik sa kaniyang puwesto si Romualdez.
“Yesterday night, I have been informed that Deputy Speaker Puno, the chairman of the National Unity Party, implicated me in a plot to remove Speaker Romualdez from his position, and that I am collecting signatures to do so. That notion is false,” saad pa ni Barzaga.
MAKI-BALITA: Cavite solon na iniugnay sa pagpapatalsik kay Speaker Romualdez, kumalas sa majority bloc
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o opisyal na pahayag si Romualdez o maging ang Malacañang hinggil sa napipintong pagpapalit ng liderato sa Kamara.