Dinomina ni Filipino tennis player Alex Eala si world ranked No. 380 Yasmin Mansouri sa WTA 250 São Paulo Open sa Brazil nitong Miyerkules, Setyembre 10, 2025 (araw sa Pilipinas).
Pinataob ni Eala si Mansouri sa iskor na 6-0, 6-2, upang makuha ang panalo sa naturang torneo.
Sa arangkada ng first set ni Eala at Mansouri, naitala agad ng pambato ng Pilipinas ang anim na magkakasunod na panalo, 6-0, kontra sa French player sa loob lamang ng 32 minutos.
Hindi pa rin natatapos ang pandudumina ng world rank no. 61 na si Eala kay Mansouri at kinuha niya ang unang tatlong (3) panalo sa second set ng kanilang laban.
Dito nakipagtagisan ng determinasyon si Mansouri matapos niyang makakuha ng unang panalo sa ikaapat laro ng kanilang laban sa second set kontra kay Eala at naitala ang set score sa 3-1.
Ngunit bumawi naman agad Eala kay Mansouri sa ikalima nilang laro at naitala ang set score na 4-1.
Nasundan pa ng tatlong mga laro ang tunggalian ng dalawa at nagresulta ang set score sa 6-2 dahilan para makamit ni Eala ang unang panalo sa WTA 250 São Paulo Open.
Kasunod niyang haharapin sa kompetisyon ang world ranked No. 188 na si Julia Riera ng Argentina sa Huwebes, Setyembre 11 (oras sa Pilipinas).
Matapos lamang ito ng naging makasaysayan pagkamit ni Eala sa unang pagkakataon niyang makuha ang titulo bilang kampeon sa WTA Guadalajara 125 Open sa Grandstand Caliente, Mexico.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Come from behind win!’ Alex Eala, inangkin kampeonato ng WTA 125 championship
“Herstory”-— ganito noon nailarawan ang pag-uukit ni Eala ng kaniyang sariling kasaysayan matapos niyang angkinin ang titulo sa WTA 125 championship noong Linggo ng umaga, Setyembre 7, 2025 (araw sa Pilipinas).
Matapos niyang pataubin si Panna Udvardy sa mga set scores na 1-6, 7-5, at 6-3.
Dahil dito, muling tumaas ang rank ni Eala mula No. 75 patungo sa No. 61 sa WTA ranking.
KAUGNAY NA BALITA: Alex Eala, tumaas sa rank 61 ng WTA matapos makuha kampeonato sa Guadalajara
Ayon ito sa inilabas ng WTA noong Lunes, Setyembre 8 kung saan makikitang pang-61 na ang kasalukuyang katayuan ni Eala sa hanay ng mga propesyunal na babaeng manlalaro ng Tennis sa buong mundo.
Mc Vincent Mirabuna/Balita