Walang katotohanan ang kumakalat na balitang ipapasara ng Department of Transportation (DOTr) ang mga online selling platforms ayon mismo sa ahensya.
Kumakalat kasi ang isang video na ibinahagi ng nagngangalang “Jay-ar Pastrana” kung saan pinalalabas nitong ipapatigil ng DOTr ang operasyon ng Shopee, Lazada, Facebook Marketplace, Carousell at Tiktok.
Ngunit ayon sa latest Facebook post ng ahensya nitong Sabado, Setyembre 6, hindi raw ito totoo.
“Ang konteksto ng video ay tungkol sa pagpapasara ng unauthorized online resellers ng Beep cards sa mga nabanggit na platforms,” saad ng DOTr.
Ayon sa ahensya, galing umano ang spliced video ni Jay-ar sa press conference ng DOTr kung saan tinalakay ang unauthorized resellers at hoarders ng Beep cards.
Kaya naman bukod dito, nagbigay sila ng babala na posibleng maharap sa legal actions ang mga tagapagpakalat ng maling balita.
“Hinihikayat ng DOTr ang mga komyuter at netizens na maging mapanuri sa mga nababasa online, at i-report agad ang mga nagpapakalat ng mga maling impormasyon,” pahabol pa nila.
Matatandaang inanunsiyo na ng DOTr kamakailan na maari nang makakuha ang mga estudynate ng student beep card na awtomatikong may 50% discount sa mga train.
Tugon umano ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para gawing mas mura ang pamasahe ng mga estudyante at mapaabilis ang kanilang biyahe.
Maki-Balita: ALAMIN: Paano makakakuha ng personalised beep card ang mga estudyante?