Bigo ang TV host-actor na si Billy Crawford na dumating sa takdang oras ng panganganak ng misis niyang si Coleen Garcia sa second baby nila.
Sa latest episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” noong Martes, Setyembre 2, inusisa si Billy kung bakit hindi na ulit ginawa ni Coleen ang water birth.
Matatandaang sa ganitong paraan inilabas ni Coleen ang panganay nila ni Billy na si Amari noong Setyembre 2020 kung kailan kasagsagan ng Covid-19.
Maki-Balita: Coleen, isinilang na ang baby nila ni Billy
“Itong pangalawang beses, hindi na siya umabot sa pool,” sabi ni Billy. “Actually, pati ako hindi ako umabot. I wasn’t there when Austin was born. I was on the airplane on my way back home,” sabi ni Billy.
“And si Amari,” pagpapatuloy niya, “hindi niya ako tinantanan. Araw-araw niyang sinasabi [sa akin], ‘You weren’t there.’ Masakit magsalita ‘yong anak ko.”
Dagdag pa ng TV host-actor, “But, you know, it was such a blessing na it’s an en caul baby.”
Ang en caul baby ay ang mga sanggol na isinisilang na nasa loob pa ng intact amniotic sac.
“Pero sobrang bilis ng pangyayari,” ani Billy. “Kasi ‘yong unang text ng pinsan ni Coleen sa akin, ‘Ate, is going in labor.’ Few minutes, later. ‘Ate gave birth.’”
Sa kasalukuyan, pitong taon nang kasal sina Billy at Coleen. Isinagawa ang kanilang pag-iisang-dibdib noong Abril 2018 Balesin Island Club sa Polilio, Quezon.
Pero bago pa man ito, apat na taon muna silang naging magkarelasyon. Samakatuwid, isang dekada na silang nagsasama!