Ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang dalawang infrastructure project sa Tuba, Benguet nitong Linggo, Agosto 24, 2025.
Sa panayam ng media kay PBBM, inilahad ng Pangulo na ubod umano ng hina at liit ang ginawang proyektong nagkakahalaga ng ₱273.93 milyon.
“Nakita ngayon namin yung erosion sa ilalim ng kalsada, which is the most important part ay wala na, na-erode na dahil yung ginawa nilang protection wall ay ubod ng hina, ubod ng liit,” anang Pangulo.
Ipinaliwanag din ni PBBM ang nangyari kung bakit umano pinasok ng tubig ang naturang proyekto.
“You can see it sa ilalim ng tunnel, talagang na-erode na. Dahil yung slope protection dito sa baba, sa tabi ng ilog, ay napakababa at napakahina. Kaya't no’ng pumasok yung tubig, no’ng bumigat yung tubig, eh tangay kaagad,” saad ni PBBM.
Giit pa ng Pangulo, nadaan din umano sa kickback ang pagsasagawa ng proyekto kung saan napresyuhan daw ang gobyerno ng apat na beses ang laki.
“Ang presyo ng rock netting is ₱3,200. Ang chinarge sa gobyerno is more than ₱12,000. So, times 4. Times 4. So, 75% ng kontrata kinickback. So, that's the situation we are facing. Kaya't malala ito,” ani PBBM.
Samantala, sa hiwalay na pahayag, iginiit niyang inatayang aabot ng ₱500M ang magiging halaga sa pagsasaayos ng naturang rock shed project.
“Useless, parang tinapon mo yung pera sa ilog…To correct this will cost double that. That’s my top of the head estimate. ₱500 milyon ito para ayusin,” saad ng Pangulo.