January 04, 2026

Home SHOWBIZ

Xander Ford, magbabalik-alindog; maraming kailangang gawin?

Xander Ford, magbabalik-alindog; maraming kailangang gawin?
Photo Courtesy: Doc Yappy and Marlou S Arizala (FB)

Sino nga ba ang hindi makakakilala kay Xander Ford? 

Isa ang pangalang ito sa malakas na umugong sa mundo ng telebisyon at social media walong taon na ang nakalilipas mula noong 2017. 

Kung matatandaan natin, ibinida ng programang Rated K sa pangunguna ng host nito na si Korina Sanchez-Roxas ang transpormasyong tinawag umanong “transguwapo” na gumimbal at nagpatili sa mga kababaihan. 

Sumilang ang isang pangalan na Xander Ford mula sa dati nitong katauhan na Marlou S. Arizala at ayon sa ICON Clinic ay umabot sa humigit P435,000 ang halaga ng surgery na ginawa sa kaniya.

Toni Gonzaga, ‘di natatakot mategi: 'I know where I'm going'

Ngunit kumusta na nga ba si Xander Ford ngayon? 

Naging maingay ulit ang usap-usapan ngayon sa social media ng muling pagbabalik alindog ni Xander Ford dahil sa isang Facebook post ni Dr. Samuel Eric Yapjuanco o mas kilala bilang Doc Yappy. 

Matatandaang si Doc Yappy ng The Icon Clinic ang nanguna sa operasyon ng tinawag na transguwapo ni Xander Ford noong 2017. “Guess who’s back! Marlou S Arizala[!]” saad ng doktor sa kaniyang post. 

Sinabi rin nito na marami umano silang gagawin at ipinagbigay-alam sa post na abangan ng mga netizen ang magiging resulta nito sa Rated Korina. 

“Medyo madami tayo gagawin, abangan sa Rated Korina!” aniya. 

Nagawa pang manghingi ng suhestiyon ni Doc Yappy sa kaniyang post. 

“Ano ba dapat ayusin sa kaniya?” pagtatanong nito. 

Naging usap-usapan naman ang post na ito ng nasabing doctor at hindi napigilan ng netizens magbigay ng suhestiyon sa tanong nya. Narito ang ilan sa iniwan nilang komento: “Ililista ko Doc Yappy tas isesend ko sayo,” saad ng isa. 

“Retoke na naman doc?” pagtatanong ng isa. 

“Doc Yappy, OT ka today with Night Diff ,” pabiro ng isa. 

“Kaabang abang yan doc!” ayon sa isa. 

“Aabangan ko to, alagang Doc Yappy yarn... ,” pagbibida ng isa pa. 

Samantala, kinumpirma ni Xander Ford mismo ang pagbisita niyang ito kay Doc Yappy sa kaniyang Facebook post kung saan makikita sa litrato na tila nag-uusap ang dalawa. Nagawa pa niyang magpasalamat sa doctor at kay Senyora na isang sikat na page sa Facebook. 

“THANK YOU MAMA @senyora.official and Daddy For suport me,” ‘ika ni Xander sa kaniyang caption. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita