Nanawagan si reelected Leyte 1st District Rep. at House Speaker Martin G. Romualdez na gawing simple ang pagdaraos ng ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa darating na Lunes, Hulyo 28.
Sa pahayag na inilabas ni Romualdez noong Huwebes, Hulyo 25, sinabi niyang “out of touch” na maituturing ang pagpapanatili ng mala-pageant na palabas sa SONA habang marami sa mga Pilipino ang sinalanta ng sakuna.
“In the past weeks, Typhoons Crising, Dante, and Emong have displaced families, destroyed livelihoods, and left many of our kababayan struggling to get back on their feet,” saad ni Romuladez.
Dagdag pa niya, “It would be out of touch to maintain a show of pageantry while our people are still in recovery.”
Kaya naman hiniling niya sa opisina ng Secretary General na huwag nang haluan pa ng palabas ang ulat ng pangulo sa bayan.
Gayunman, nilinaw ni Romualdez na nananatili pa rin naman umano ang decorum at tradisyon. Malaya pa rin umanong magsalita sa media ang mga mambabatas papasok sa loob ng venue.
“The opening of Congress is not a fashion event, it is a working session. Let’s begin it with the seriousness and humility our times demand,” anang House Speaker.