December 13, 2025

Home SHOWBIZ Events

Will Ashley sa outside world: 'Lumaban at kinaya!'

Will Ashley sa outside world: 'Lumaban at kinaya!'
Photo courtesy: Will Ashley (IG)

Nag-uumapaw ang pasasalamat at emosyon sa social media post ni Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition housemate at itinanghal na 2nd Big Placer na si Will Ashley matapos ang apat na buwang matinding hamon sa loob ng Bahay ni Kuya.

Sabado, Hulyo 5, tuluyan na ngang naganap ang Big Night sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City, kung saan silang dalawa ng ka-duo na si Ralph De Leon ang itinanghal na 2nd Big Placer, habang sina Brent Manalo at Mika Salamanca o "BreKa" ang Big Winner Duo.

Sa isang heartfelt message ni Will sa kaniyang Instagram account, ibinahagi niya ang kaniyang pinagdaanang emosyonal na paglalakbay, sabay pasasalamat sa mga taong naging bahagi ng kanyang PBB journey.

“Lumaban at kinaya, Hey Outside World! Maraming maraming salamat po!” ani niya sa panimula ng post.

Events

Chelsea Fernandez, inirampa Maranao Sarimanok sa Miss Cosmo 2025

Aminado si Will na hindi naging madali ang pananatili sa loob ng bahay. Maraming pagsubok at emosyonal na hamon daw ang kaniyang hinarap. Ngunit sa kabila ng lahat, pinanghawakan niya raw ang pananampalataya at pagmamahal ng mga tagasuporta para patuloy na lumaban.

“My journey inside the house was rough. I went through a lot of ups and downs. But thank God, I managed to get through everything.”

Ibinuhos rin niya ang taos-pusong pasasalamat sa kaniyang kapwa housemates na tinawag niyang mga tunay na kaibigan at sandalan sa loob ng bahay, gayundin sa mga tagasuporta sa labas na, kahit hindi niya personal na nakita, ay tunay na nagparamdam ng pagmamahal.

“Hindi ko man po kayo nakita sa loob ng 4 na buwan, naramdaman ko po ng sobra 'yung pagmamahal ninyo. Kayo ang dahilan kung bakit nilaban ko ang hamon na ito," aniya.

Hindi rin nakalimutan ng housemate na pasalamatan ang kaniyang GMA Network family para sa tiwala at suporta, pati na rin ang ABS-CBN family para sa panibagong oportunidad na ibinigay sa kaniya—isang senyales ng magandang ugnayan sa dalawang higanteng network.

Partikular din niyang pinasalamatan si Kuya at ang buong PBB Team sa pag-aalaga sa kaniya sa loob ng bahay:

“To my favorite human being, Kuya. I love you so much. Salamat po sa magagandang memories.”

Pinasalamatan din niya ang duo housemate na si Ralph De Leon.

“Maraming salamat din po sa pagmamahal ninyo sa amin ni @ralph_dl. Ang laban na pong ito ay para sa inyo.”

“Umpisa pa lang po ito, lalaban tayo,” wika niya sa pagtatapos ng kaniyang post.

Marami naman sa mga netizen ang nagpaulan ng magagandang mensahe para sa kaniya, at excited nang masaksihan ang mga sunod-sunod na proyekto para sa kaniya.