Kinalampag ng Gabriela si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para suspendihin ang 12% value added tax (VAT) sa langis sa gitna ng nakaambang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa isang Facebook post nitong Lunes, Hunyo 23, sinabi ni Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas na panibagong dagok na naman daw ito sa pamilyang Pilipino.
“Panibagong dagok na naman ito para sa mga pamilyang Pilipino, lalo na sa mga nanay na araw-araw nagsusumikap para mairaos ang pagkain sa hapag. Taun-taon na lang paulit-ulit ang cycle ng oil price hikes na agad sinusundan ng taas-presyo sa pagkain at pamasahe,” saad ni Brosas.
Kaya panawagan niya sa gobyerno, suspendihin ang buwis sa langis upang makapagbigay ng agarang alwan sa mamamayan.
Dagdag pa niya, “Hindi sapat ang mga promo at discount na pinag-uusapan ng DOE [Department of Energy] at oil companies. Ang kailangan ay konkretong aksyon para pigilan ang pagsirit ng presyo.”
Matatandaang nagkaroon na ng diyalogo sa pagitan ng DOE at oil companies kaugnay sa magiging pagbabago sa presyo ng produktong petrolyo sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Iran at Israel.