Umalma ang Malacañang sa mga bumabatikos kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., tungkol umano sa naudlot na wage hike bill bago matapos ang 19th Congress.
Inalmahan ni Palace Press Undersecretary Claire Castro ang mga alegasyong si PBBM daw ang pumatay sa ipinangakong umento sa sahod ng mga manggagawa.
“Diktador ba ang Pangulong Marcos Jr.? Hindi naman po. Hayaan na lang po muna natin ang usapin na 'yan sa Kongreso at ang Pangulo naman po ay hindi tutol sa increased wage hike dahil ito po naman ay makakabuti sa mga manggagawa,” saad ni Castro sa kaniyang press briefing nitong Biyernes, Hunyo 13, 2025.
Matatandaang tuluyang hindi umusad ang wage hike bill matapos hindi magkasundo ang Senado at Kamara sa magkaiba nilang bersyon ng umentong ipapataw sa mga manggagawang nasa pribadong sektor.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Walang idadagdag!’ Kamara, Senado, tuluyang dinedma 'wage hike bill'
Ayon sa mga ulat, hindi nagkasundo ang Senado at Kamara matapos silang magkasa ng magkaibang bersyon para sa dagdag na sahod sa mga manggagawang nasa pribadong sektor. Tinatayang nasa ₱100 ang isinusulong ng Senado habang ₱200 naman ang bersyon ng Kamara.
KAUGNAY NA BALITA: 'Minus ₱100!' Kamara, umalma sa ₱100 bersyon ng Senado sa proposal nilang ₱200 wage hike