Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang "Pamilya Pass 1+3" tuwing Linggo para sa mga pasahero ng MRT-3, LRT-1, at LRT-2, na inilunsad noong Linggo, sa unang araw ng Hunyo.
Matatandaang mismong ang First Family ang sumubok na sumakay sa MRT-3 bilang bahagi ng paglulunsad.
Sa nabanggit na promo, puwedeng magsama ng tatlong kasama ang isang pasaherong bumili ng isang ticket sa mga nabanggit na rail transits, tuwing Linggo.
Ang nabanggit na promo ay hanggang Hunyo 2028, sa pagtatapos ng termino ni PBBM.
"Linggo ay para sa pamilya," ani PBBM sa kaniyang Facebook post.
"Simula ngayon, may Pamilya Pass 1+3 na sa MRT-3, LRT-1, at LRT-2. Bumili lang ng isang ticket, at libre na ang hanggang tatlong kasama mo tuwing Linggo, hanggang Hunyo 2028. Walang ID na kailangan basta’t sabay-sabay kayong sasakay!"
"Dahil ang biyahe, kapag kasama ang pamilya, ay mas magaan, mas masaya at dapat abot-kaya," aniya pa.
KAUGNAY NA BALITA: Pamilya Marcos, sinubukang sumakay sa MRT-3