Posible umanong maantala ang pagbalik sa puwesto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang mayor ng Davao City kung sakaling hindi siya makabalik ng bansa para sa kaniyang oath-taking hanggang sa Hunyo 30, 2025.
Sa panayam ng media sa Department of Interior and Local Government (DILG)-Davao City, posibleng tumayo bilang pansamantalang alkalde ng lungsod si outgoing Davao City Mayor Sebastian Duterte na siyang nanalo bilang vice mayor.
“Mangyayari sa ano niyan is the law of succession. Nandoon pa si former President and elected as City Mayor ang magiging acting City Mayor is the elected City Vice Mayor which is Mayor Baste,” ani Vicky Sarcena, Director ng DILG Davao City.
Kaugnay nito, posible naman umakyat bilang Vice Mayor ang anak ni Davao 1st district Representative Paolo Duterte na si Rodrigo “Rigo” Duterte II, matapos ang kaniyang pagkapanalo at manguna bilang konsehal sa kanilang lungsod.
Paglilinaw pa ni Sarcena na hindi raw maaring maging permanente ang pagkakaroon ng “acting mayor” at “acting vice mayor” alinsunod sa Omnibus Election Code.
“Sa omnibus election code nakalagay doon, once na proclaimed within six months na, tapos hindi maka assume ma-ano 'yon vacant. Pero depende kung ano yung cause of failure to assume. Considered vacant unless said failure is for a cause or causes beyond his control,” aniya.
Samantala, nauna nang ihayag ni Vice President Sara Duterte na pinag-aaralan na ng kampo ng kanilang amang si dating Pangulong Duterte kung paano siya makakapanumpa habang siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa Netherlands.
KAUGNAY NA BALITA: Kampo ni FPRRD, pinag-aaralan paano manunumpa bilang mayor ng Davao City