May 03, 2025

Home BALITA National

Rep. Pulong Duterte, kinasuhan ng 'physical injuries, grave threats'

Rep. Pulong Duterte, kinasuhan ng 'physical injuries, grave threats'
Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte (MB file photo)

Sinampahan ng criminal complaints si Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte dahil umano sa pambubugbog at pananakot sa isang negosyante.

Kinumpirma ito ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon nitong Biyernes, Mayo 2.

Ani Fadullon, nasa Department of Justice (DOJ) Main na ang isinampang mga kaso ng physical injuries at grave threats laban kay Duterte.

Magsasagawa raw ang DOJ ng preliminary investigation hinggil sa inihaing reklamo ng negosyante sa Davao City na si Kristone John Patria, 37-anyos.

National

19 lugar sa PH, makararanas ng ‘dangerous’ heat index sa Mayo 3

Inakusahaan ni Patria si Duterte ng paglabag sa Articles 265 at 282 ng Revised Penal Code (RPC).

Sa kaniyang salaysay na may petsang Mayo 2, iginiit ng negosyante na nangyari umano ang “panggugulpi” sa kaniya ng mambabatas noong Pebrero 23, 2025, dakong 3:00 ng madaling araw sa Hearsay Gastropub Bar sa Davao City.

Sinabi rin ng negosyante na lasing umano si Duterte nang mangyari ang insidente.

“Nagulat na lang po ako nang pinag-gugulpi na niya ako, headbutt habang pinagmumura at pinagbantaan na ‘papatayin kita’,” ani Patria.

Tinutukan pa umano ng baril ng mambabatas ang negosyante at sinabing: “Nanggigigil talaga ako sayo. Papataytin kita.”

Dagdag ni Patria, mayroon daw siyang pruweba na totoo ang kaniyang sinabi dahil mayroong CCTV sa bar. Hindi naman daw siya nagpagamot sa ospital dahil sa takot umanong balikan siya at ang kaniyang pamilya.

Binanggit ng negosyante na nakilala niya si Duterte noong 2024 sa pamamagitan ng business partner nitong si Charlie Tan.

Bago ang insidente, ikinuwento ni Patria na hiniling sa kaniya ni Tan na magdala ng mga babae sa bahay ni Tan dahil darating si Duterte.

Pagkatapos, iginiit ni Patria na pumunta sila ni Duterte sa Hearsay Bar kasama ang mga babae at mga kasama ng mambabatas.

Sinabi rin ng negosyante, “bigyan ko daw ang kaniyang (Duterte) mga bodyguard ng tatlong babae at doon ay nabigyan ko ang dalawang bodyguard at isang driver.”

Aniya, makalipas ang isang oras ay dumating ang mga kasamahan ni Duterte.

“Nalaman niya na may bodyguard na siya at hindi nakasamang lumabas. Sa galit niya ay sinabi niya na buti pa yung driver na naka isa sa mga babae, yung bodyguard niya mismo hindi nakakuha ng babae,” ani Patria.

Sinabi rin niya na kalaunan ay binayaran daw ni Duterte ang mga babae, ngunit ang isa sa mga ito na hindi lumabas ay nakatanggap lamang ng P1,000.

“Nagtanong ang babae kung bakit ganoon lamang ang binigay sa kaniya at doon na nagalit si Paolo Duterte,” saad ni Patria. 

Matapos ang insidente, sinabi ni Patria na lumabas si Duterte kasama ang isa sa mga babaeng dinala sa grupo.

“Nalaman ko ito dahil sa nagsabi siya na ako ang magbabayad ng pera sa naka-sex niyang babae at kung di ko daw bayaran ang babae ay ako raw ang kanyang papatayin at ha-huntingin,” giit pa niya.

Samantala, habang sinusulat ito’y wala pang pahayag si Duterte hinggil sa kasong isinampa laban sa kaniya ni Patria.

- Jeffrey Damicog