Naghain si Albuera, Leyte mayoral candidate Kerwin Espinosa ng mga kasong frustrated murder laban sa pitong pulis ng Ormoc City na sangkot umano sa pagbaril sa kaniya, na muntik na kumitil sa kaniyang buhay.
Kasama sa mga kinasuhan sina dating Ormoc City police director Police Col. Reydante Ariza, Lt. Col. Leonides Sydiongco, Sgt. Alrose Astilla, Corporal Arvin Jose Baronda, Corporal Jeffrey Dagoy, Corporal Alexander Reponte, at Patrolwoman Maricor Espinosa.
Sinabi ni Espinosa na inihain niya ang mga kaso upang makakamit ng hustisya.
Naghain din ang Leyte Police Provincial Office ng mga kaso laban sa pitong police officers dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Omnibus Election Code sa Leyte Provincial Prosecutor’s Office sa Bulwagan ng Katarungan sa Tacloban City noong Abril 14.
Naiulat na nakita umano si Ariza at kaniyang team sa isang compound malapit sa covered court ng Barangay Tinag-an kung saan binaril si Espinosa matapos ang insidente.
Sinabi ni Espinosa na naghain din siya ng kaso upang malaman ang mastermind ng insidente.
Iginiit din ng mayoral bet na “politically motivated” ang nangyaring pamamaril at mayroon umanong nag-utos upang patayin siya.
Samantala, nilinaw ni Espinosa, na tumatakbo laban kina Mayor Sixto dela Victoria at Leyte Provincial Board Member Vince Rama, na wala raw siyang direktang inaakusahan sa nangyari.
“Let us allow the justice system to investigate my case and put an end to these incidents and identify those who are behind the incident,” saad niya.
Matatandaang noong Abril 10 nang barilin si Espinosa habang nangangampanya.
MAKI-BALITA: Kerwin Espinosa, binaril habang nangangampanya sa Leyte
KAUGNAY NA BALITA: Matapos mabaril: Kerwin Espinosa, handang tumestigo sa ICC hinggil sa drug war
Marie Tonette Marticio