Sinalubong ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na nagkilos-protesta sa harapan ng Land Transportation Office (LTO) nitong Lunes, Abril 7, 2025.
Bitbit ng PISTON ang panawagang ibalik ang limang taong prangkisa na ibinasura dulot ng PUV modernization program.
Ayon kay Sec. Dizon, malapit na raw maglabas ng direktiba ang LTO upang makabiyahe na ulit nang legal ang mga tsuper na hindi sumali sa consolidation.
“Sisiguraduhin ko po na ang importante ay makabalik kayo ng legal. Kaunti na lang po ito, pangako ko po sa inyo 'yan. Ako po mismo ang mag-aannounce… Ako po mismo pupunta sa inyo,” ani Dizon.
Dagdag pa niya, naiintindihan daw niya ang sentimyento ng mga tsuper para sa kanilang hanapbuhay.
“Naiintindihan ko po, masakit talaga, dahil kabuhayan po ang pinag-usapan natin dito. Saka isang taon na po ito eh. Isang taon na po ito. Hindi po lalampas itong Abril. Mayroon na po tayong direktiba, ang pinag-uusapan na lamang po ngayon ay kung ano yung mekanismo para makabiyahe kayo. Yun na lang ang pinag-uusapan ngayon,” anang DOTr secretary.
Ayon pa kay Dizon, maibababa raw ng DOTr ang pinal na desisyon nang hindi lalampas sa Holy Week.
Matatandaang hindi sumali sa transport strike kamakailan ang grupong PISTON dahil umano sa kasunduang hihintayin nila ang desisyon ng DOTr.
KAUGNAY NA BALITA: Grupong PISTON, hindi lalahok sa 3 araw na transport strike ng MANIBELA