Inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na umabot na sa tinatayang 30,000 barangay mula sa kabuuang 42,045 sa bansa ang idineklara nilang “drug-cleared.”
“Sa ngayon po, Asec., ang total number of drug cleared barangays ay 29,390 so malaking numero po ito dahil ang natitira na lang po na drug affected barangays ay 6,113,” ani PDEA spokesperson Joseph Frederick Calulut sa Bagong Pilipinas Forum noong Huwebes, Marso 14, 2025.
Paglilinaw pa Calulut, nasa magkakaibang probinsya umano ang natitira pang mahigit na anim na libong mga barangay kung saan nanatili umano ang mga transaksyon sa ilegal na droga.
“Iba-ibang lugar po kasi ito eh, iyong 6,113—this is scattered around the country so hindi lang po limited sa iisang province ito,” saad ni Calulut.
Nabanggit din ni Calulut na pawang mga “methamphetamine” o shabu ang kalimitan nilang nasasabat sa tuwing nagkakasa umano sila ng operasyon.
“Based on our data po, shabu is the most prevalent drug na ginagamit po rito sa atin. At saka base rin ho sa mga datos ng ating mga confiscation, shabu rin iyong karamihan na nating nakukumpiska doon sa ating mga buy bust operations and search warrant. Pumpanagalawa na ho itong marijuana,” giit ni Calulut.
Noong Enero 2025, matatandaang nauna nang ianunsyo ng naturang ahensya na halos 70% na umano ng mga barangay sa bansa ang drug-free, katumabas ito ng tinatayang 29, 390 barangay.
KAUGNAY NA BALITA: Tinatayang 70% ng mga barangay sa bansa, 'drug free' sa ilalim ng Marcos admin—PDEA