February 27, 2025

Home BALITA Metro

5 katao, timbog sa illegal drag racing event

5 katao, timbog sa illegal drag racing event
Photo courtesy: MPD PIO

Limang katao ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa isang ilegal na drag racing event sa Malate, Manila.

Hindi pa tinukoy ng MPD ang pagkakakilanlan ng mga suspek, na pawang nakapiit na at mahaharap sa mga kasong serious resistance and disobedience to a person of authority, and alarms and scandal.

Isa naman sa kanila ang mahaharap din sa kasong frustrated murder nang sagasaan ang isang pulis na nagtatangkang umaresto sa kaniya, na nagresulta sa pagkakasugat nito.

Sa ulat ng MPD, na pinamumunuan ng director nitong si PBGEN Arnold Thomas Ibay, na inilabas nitong Miyerkules ng gabi, nabatid na dakong alas-2:30 ng madaling araw ng Pebrero 25, nang maaresto ang mga suspek sa Service Road sa Roxas Boulevard, kanto ng Paseo Del Carmen St., sa Malate.

Metro

70-anyos na lola, arestado sa pagbebenta ng 'pampalaglag' sa harap ng Quiapo church

Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga awtoridad na may nagaganap na illegal drag racing activity sa lugar at agad silang rumesponde.

Naaktuhan naman ng mga pulis ang mga suspek na sangkot nga sa isang high-speed racing challenge, kaya’t tinangkang parahin ang mga ito.

Gayunman, nagpulasan umano ang mga suspek sa iba’t ibang direksiyon kaya’t hinabol ng mga alagad ng batas.

Sinadya pa umano ng isa sa mga suspek na sagasaan ang isa sa mga pulis upang makaiwas lamang sa pag-aresto.

Nawalan naman ang suspek ng kontrol sa kaniyang motorsiklo at sumemplang, kaya nadakip din ng mga awtoridad.

Ang sugatang pulis ay mabilis namang naisugod ng mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa Chinese General Hospital (CGH) para mabigyan ng agarang tulong medikal at kasalukuyan pang inoobserbahan ng mga doktor.

Samantala, ang apat na iba pang suspek, na pawang nagtangka ring umiwas sa aresto ay matagumpay ring nadakip ng mga awtoridad.

Pinuri naman ni Ibay ang mga tauhan dahil sa pagkakaaresto sa mga suspek. 

Aniya, “The successful arrest underscores the effectiveness of MPD’s intensified campaign against all forms of criminality. We remain committed to ensuring a peaceful, safe, and secure Manila. To our dedicated police officers, I extend my deepest gratitude. Your actions truly exemplify the essence of service and professionalism.”