April 16, 2026

Home BALITA National

Malacañang sa mga umano'y hoarders: 'Hindi kayo tatantanan ng pamahalaan!'

Malacañang sa mga umano'y hoarders: 'Hindi kayo tatantanan ng pamahalaan!'
Photo courtesy: RTVM/YT


Binantaan ng Palasyo ang mga umano’y hoarders ng iba’t ibang produkto sa bansa, partikular na ang mga produktong petrolyo.

Kaugnay ito sa banta ng kakulangan at pagtaas ng presyo ng mga produkto bunsod ng patuloy na girian ng mga bansang nasa rehiyon ng Gitnang Silangan.

Sa press briefing na ikinasa ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Marso 10, sinabi ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na hindi naman daw dapat mag-hoard ang mga tao upang makalikom ng malaking kita o tubo.

“Alam naman po natin na may batas sa mga aksyon ng hoarding, profiteering na inaabuso ang ganitong klaseng sitwasyon—na hindi naman kinakailangan na sila ay magtago o lumaki po ang kanilang kita o tubo, dahil hindi pa po ito napapanahon,” saad ni Usec. Castro.

Babala pa ng press officer, hindi umano titigilan ng gobyerno ang mga taong mapapaulat na lalabag sa batas ng pagho-hoard at profiteering.

“So, kapag ka po kayo ay nahuli na lumalabag sa batas, nahuli na nag-hoard, or umaksyon, or gumawa ng profiteering, hindi po kayo tatantanan ng ating pamahalaan dahil kayo po mismo ay madedemanda at kakasuhan,” anang press officer.

Samantala, hinimok din niya ang publiko na huwag mag-panic buying dahil sapat pa umano ng suplay ng iba’t ibang produkto sa bansa.

“Hindi po kailangan magkaroon ng panic buying dahil kumpleto naman po at enough pa po ang suplay—lalong-lalo na ang ating fuel at ng ating mga basic commodities,” ani Castro.

Matatandaang inanunsyo kamakailan ng Department of Energy (DOE) na sila ay nakikipag-ugnayan na sa Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) upang bantayan ang mga insidente ng hoarding at profiteering sa mga produktong petrolyo sa bansa.

MAKI-BALITA: DOE, DILG, PNP sanib-puwesa vs hoarding, profiteering ng produktong petrolyo-Balita