Nanawagan si Sen. Risa Hontiveros kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kaugnay ng panukalang pagdagdag sa sahod ng mga Pilipino.
Sa inilabas na pahayag ng senadora nitong Miyerkules, Pebrero 5, 2025, iginiit niyang dapat na umanong sertipikahan ng Pangulo ang nasabing wage increase bill bilang isang “urgent bill.”
"Dapat nakakasabay ang sahod sa pagtaas ng presyo ng bilihin, pamasahe, at monthly bills. Nothing is more urgent than raising our workers' wages. Kailangan nila ito ngayon," anang senadora.
Dagdag pa ni Hontiveros, mas maraming Pilipino ang nakalubog sa kahirapan dahil sa pagkaantala ng nasabing panukalang-batas.
“Sa bawat araw na nadedelay ang pag-usad ng panukalang ito, mas maraming pamilya ang nalulubog sa kahirapan. Panawagan natin na i-certify urgent na ito,” ani Hontiveros.
Matatandaang nauna nang aprubahan ng House of Representatives sa ikalawang pagbasa ang nasabing batas na magtatakda ng dagdag na ₱200 sa sahod ng mga empleyado sa pribadong sektor.
Iginiit din ni Hontiveros na kinakailangan din umanong tutukan ng gobyerno ang maliliit na negosyo na apektado rin daw ng pagpapasahod sa mga manggagawa.
“Kailangan nating tulungan ang maliliit na negosyo na makasabay sa wage increase nang hindi sila nalulugi o napipilitang magsara. Dapat tiyakin ng gobyerno na may sapat na suporta sa kanila para sa kapakanan ng parehong manggagawa at employer,” saad ng senadora.