Tumambad ang bangkay ng isang babaeng senior citizen at ang pugot nitong ulo mula sa Barangay Candabong, Dumanjug City, Cebu nitong Sabado, Pebrero 1, 2025.
Ayon sa ulat ng Brigada News FM Cebu, wala pang kumpirmasyon ang pagkakakilanlan ng biktima at kung ano ang naging motibo sa pagpaslang sa naturang senior citizen.
Samantala, may ilang netizen naman ang nagbahagi ng mga larawan ng pinaslang na biktima kung saan kinilala siyang si “Nanay Miguela.” Makikita sa nasabing mga larawan ang tila pagkakatanggal din ng mga buhok mula sa pugot na ulo ng biktima, habang ang nabanggit na pinutol na ulo naman ay nasa bahagi ng hagdan malapit sa pintuan ng isang bahay kung saan naman natagpuan ang mismong bangkay ng matanda.
Habang isinusulat ang artikulong ito, kasalukuyan nang ikinakasa ng mga awtoridad ang imbestigasyon sa pagkamatay ng biktima.
Ito ay isang developing story.