Nagbigay ng reaksiyon ang Malacañang sa Urgent Petition for Mandamus ang United People’s Initiative (UPI) sa Korte Suprema.
Kaugnay ito sa pagsisiwalat ng tunay na kalagayan ng kalusugan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Gayundin ang pag-uudyok na sumailalim ang Pangulo sa hair follicle drug test at isapubliko ang resulta nito.
Maki-Balita: UPI, umapela sa SC para maisapubliko totoong health condition ni PBBM
Pero sa ginanap na press briefing nitong Miyerkules, Abril 15, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communication Office (PCO) Usec. Claire Castro na UPI umano ang gumagawa ng mga isyung walang batayan.
Aniya, “Sino po ba ang gumawa ng isyu unang-una? ‘Di ba po sila? Sila ang gumagawa ng isyu na walang basehan.”
Ayon sa kaniya, mayroon na rin umanong kaprehong ruling na inilabas ang Korte Suprema kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa petisyon na isapubliko ang medical record nito noong 2020.
“Ang Supreme Court ay nagbigay na rin po ng desisyon patungkol po dito na hindi po kinakailangan na magbigay ang isang Pangulo ng kaniyang medical record, especially, and I quote, ‘Apparently, petitioner’s allegation that the President is seriously ill is unsubstantiated and is based merely on petitioner’s surmises and conjectures regarding his perception of the declining health of the President [Duterte],’” saad ni Castro.
Kaya naman kumpiyansa si Castro na hindi babaligtarin ng Korte Suprema ang naturang jurisprudence sa petisyon ng UPI na wala umanong matibay na basehan.