Ipinagdiinan ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro sa National Bureau of Investigation (NBI) na tungkulin nilang imbestigahan ang mga indibidwal na nagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Matatandaan kasing isiniwalat ng nagpakilalang “bagman” noon ni Vice President Sara Duterte na si Ramil Madriaga sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Martes, Abril 14, 2026, na nagplano raw ng kudeta o kaya naman ay assassination kay PBBM si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nabanggit ni Madriaga na nagkaroon daw ng kasunduan noong 2021 sa pagitan ng mga Marcos at Duterte na kailangang bumaba sa puwesto ang una pagdating ng 2025 para bigyang-daan ang pag-upo sa puwesto ni VP Sara bilang Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, umano'y nagplano ng kudeta, asasinasyon laban kay PBBM—Madriaga
Bukod pa rito, matatandaan tila nagawa ring magpasaring ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte noong Linggo, Abril 12, 2026, sa pagtatatag nila ng koalisyon na Reform Alliance for Good Governance and Accountability (RAGE) sa San Juan City.
Ani Baste, ulo lang daw ni PBBM ang tanging kailangan nila.
“It’s okay. Isang ulo lang naman ang kailangan namin, ang ulo ni Bongbong Marcos!” anang alkalde.
Idagdag pa ang direktang tila naging pagbabanta ni VP Sara noong Nobyembre 23, 2024, sa buhay nina PBMM, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
“Huwag kang mag-alala sa security ko kasi may kinausap na ako na tao. Sinabi ko sa kaniya, kapag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta, at si Martin Romualdez. No joke. No joke,” saad noon ni VP Sara.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!’
Samantala, ayon naman sa naging pahayag ni Castro sa isinagawa niyang press briefing nitong Miyerkules, Abril 15, 2026, sinabi niyang hindi na raw bago dahil sa mga pangyayaring ito ang mga pagbabanta sa buhay ng Pangulo.
“Hindi na nga po nabago ito, ang pagbabanta sa buhay ng Pangulo,” pagsisimula niya.
Paliwanag pa niya, “Sinimulan na nga po ito ng Bise Presidente, narinig na rin po natin si Mayor Baste Duterte.”
Ani Castro, hindi na raw kailangang mag-utos pa ng Pangulo sa NBI dahil obligasyon at tungkulin daw talaga ng nasabing ahensya na imbestigahan ang mga kasong may pagbabanta sa buhay ni PBBM at pati na rin sa buhay ng taumbayan.
“So, hindi na po kailangang mag-utos ng Pangulo para imbestigahan ito,” ‘ika niya.
“Ang NBI po. Kayo po ay nakatalagang mag-imbestiga sa mga ganitong klaseng death threats sa Pangulo at kahit sino mang ordinaryong tao. Meron po kayong obligasyon na imbestigahan ito,” pagtatapos pa ni Castro.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, tinanggap pagbibitiw ni Eduardo Año bilang NSA
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee kay PBBM: ''Wag mong kunsintihin politikong ginagamit si Madriaga!'