Nagawang manawagan ni Sen. Imee Marcos sa kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kaugnay sa mga kasinungalingan umanong inilahad ni Ramil Madriaga noong Abril 14, 2026.
Matatandaang inilahad ni Madriaga base sa kaniyang sinumpaang salaysay sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Martes, Abril 14, 2026, na nagkasundo raw noon sina PBBM at VP Sara na tumayo bilang Bise Presidente si VP Sara kay PBBM kapalit ng boluntaryong pagbaba sa puwesto ni PBBM kapag sumapit na ang 2025.
Depensa naman ni Sen. Imee sa isinagawa niyang press conference sa Senado nitong Miyerkules, Abril 14, 2026, sinabi niyang hindi niya kilala si Madriaga at sinungaling daw ito at hindi raw totoo ang term-sharing na isinisiwalat ng huli sa publiko.
“Who you, Madriaga? Sinungaling ka, Madriaga!” pagsisimula niya.
Anang senador, wala raw napagkasunduang term-sharing sina PBBM at VP Sara at malinaw na kasinungalingan lang ito.
“No such thing as ‘yang mga term-term… paghahati ng term… sinabi na meron daw alyansa and magte-term-sharing. Naku, talaga namang kasinungalingan ‘yan,” aniya.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee sa term-sharing ni PBBM at VP Sara: 'Sinungaling ka, Madriaga!'
Matapos ng naging pagpapaliwanag ni Sen. Imee, sinabi niyang alam daw ni PBBM ang katotohanan dahil magkasama raw sila noong panahon ng eleksyon.
“Bongbong, Pangulong Marcos, alam mo ang katotohanan,” aniya.
Dagdag pa niya, “Nandoon ka. Magkasama tayo.”
Ani Sen. Imee, wala raw dahilan si PVVM para hindi itama ang kasingulingang pinakakalat umano ni Madriaga.
“Kung hindi ipinag-uutos, walang dahilan para hindi mo itama ang kasinungalingan na ito,” diin niya.
Pagpapatuloy pa niya, huwag daw sanang kunsintihin ni PBBM ang mga politikong gumagamit kay Madriaga.
“Huwag mong kunsitihin ang mga politiko na itong ginagamit ang sinungaling na si Madriaga,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang tugon, reaksyon, o pahayag ang Pangulo kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, kinontra si Madriaga; nakatapos ng law school sa sariling sikap
KAUGNAY NA BALITA: Ramil Madriaga isiniwalat na mahina, bayolente sa law school noon si VP Sara