Tila nayamot at mariing pinabulaanan ni Sen. Imee Marcos ang isinalaysay ni Ramil Madriaga patungkol sa diumano’y term-sharing na napagkasunduan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Vice President Sara Duterte noong 2022 national elections.
Matatandaang inilahad ni Madriaga base sa kaniyang sinumpaang salaysay sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Martes, Abril 14, 2026, na nagkasundo raw noon sina PBBM at VP Sara na tumayo bilang Bise Presidente si VP Sara kay PBBM kapalit ng boluntaryong pagbaba sa puwesto ni PBBM kapag sumapit na ang 2025.
“Sometime in November 2021, PRRD mentioned to me that Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. will run for President while Sara will serve as his running mate. PRRD added that a few months ago, BBM and Sen. Imee Marcos visited him to discuss a possible alliance in the 2022 National Elections,” ani Madriaga.
Dagdag pa niya, “During this meeting, BBM was able to convince PRRD to have Sara as BBM's Vice-President. However, they also agreed that by 2025, BBM will voluntarily step down to give way for a Sara presidency.”
Ayon naman sa naging tugon ni Sen. Imee sa isinagawa niyang press conference sa Senado nitong Miyerkules, Abril 15, 2026, binuwelta niyang hindi niya kilala si Madriaga at sinungaling daw ito.
“Who you, Madriaga? Sinungaling ka, Madriaga!” pagsisimula niya.
Anang senador, wala raw napagkasunduang term-sharing sina PBBM at VP Sara dahil kasinungalingan lang ito.
“No such thing as ‘yang mga term-term… paghahati ng term… sinabi na meron daw alyansa and magte-term-sharing. Naku, talaga namang kasinungalingan ‘yan,” aniya.
Paliwanag ni Sen. Imee, may pagkakataon daw noong Mayo 29, 2021 na nagkausap sina PBBM at VP Sara sa Primo Bistro sa Davao at nagkahagingan pa sila na ang kaniyang kapatid na lang ang tatakbo nilang Bise Presidente ng alkalde pa lang noon na si VP Sara.
“Nag-greet kami at syempre nagpahaging kami na kung maaari na si Bongbong na ang maging VP ni Inday Sara. Kasi alam naman natin, namamayagpag sa lahat ng survey si VP noon, Mayor Inday siya, bilang presidential bet,” saad niya.
Binalikan din ni Sen. Imee ang naging pag-endorso ng PDP Laban sa tambalan nina Sen. Bong Go bilang Pangulo at dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang Vice President ng senador sa nasabing eleksyon noon kaya raw hindi niya maintindihan ang pahayag ni Madriaga.
“Pero ang walang-hiyang Madriaga na ‘yan, ang sabi, nakumbinsi ni Bongbong si PRRD na si Inday ang maging VP sa kaniya. Hindi ko talaga maintindihan ang pinagsasasabi niyan,” ‘ika niya.
Diin pa niya, “Maliwanag na ang PDP ay may sariling lakad, may sariling mga kandidato.”
Ayon pa kay Sen. Imee, nahanap niya raw muli ang luma niyang cellphone upang tingnan ang ginawa niya noong Setyembre 7, 2021 na group chat kasama sina PBBM at VP Sara at ilan pa nilang kapamilya upang hikayatin ang huli na maging katambal ng Pangulo sa eleksyon.
Aniya pa, Setyembre 8, 2021, nagdeklara ang PDP Laban hindi tatakbong Pangulo si Go at nakasuporta sila kay VP Sara para sa pinakamataas na posisyon kaya raw hindi talaga totoo ang akusasyon ni Madriaga.
Giit ni Sen. Imee, mag-isa lang daw na nag-file ng Certificate of Candidacy (COC) si PBBM noong Oktubre 2021 at pinatawag ng PDP Laban ang Pangulo sa Palasyo upang pag-usapan ang kanilang kandidatura.
“Hindi ko maalala ito ‘pagkat hindi ako sang-ayon. Ang nangyari sa October, pag-file ni Bongbong, pinatawag siya ng PDP sa Palasyo. ‘Yon ang totoo,” paglilinaw niya.
“Hindi ‘yong sinasabi ni Madriaga na kaming magkapatid ay pumunta kay PRRD para mag-term-sharing deal. Walang ganoon. Walang alam si PRRD, kasinungalingan ‘yon,” pagtatapos pa niya.