Nagbigay ng reaksiyon ang “High School Philippine History Movement” kaugnay sa implementasyon ng bagong kurikulum sa senior high school ngayong taong panuruang 2025-2026.
Batay kasi sa ulat ng GMA Integrated News nitong Miyerkules, Enero 22, binanggit daw ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na kabilang ang Filipino history sa “important subjects” na mananatili sa binagong kurikulum.
Kaya sa Facebook post ng nasabing grupo, sinabi nilang tila malapit na raw matapos ang matagal na nilang panawagan.
Anila, “Ibabalik ang Philippine History sa senior high school? Mukang malapit ng magtapos ang ating matagal na paglalakbay, mga kababayan.”
Matatandaang sa ilalim ng DepEd Order No. 20 Series of 2014 ay tinanggal ang Philippine History bilang asignatura sa high school.
Gayunpaman, pinasalamatan ng grupo ang DepEd noong Agosto 2023 sa hakbang nito na gawing multidisiplinaryo ang Philippine History sa Grade 7 sa ilalim ng Matatag Curriculum.
“Our movement, therefore, appreciates this development which is a step in the right direction, and we look forward to further collaboration in ensuring positive reform to our Philippine History Education at the secondary level,” saad ng High School Philippine History Movement.