Isiniwalat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Martes, Disyembre 3, na wala silang kahit anong birth, marriage o death records para sa isang personalidad na “Mary Grace Piattos.”
Base sa sulat na ipinadala ni National Statistician and Civil Registrar General Claire Dennis Mapa kay House panel chairperson Rep. Joel Chua, walang certificate of live birth (COLB), certificate of marriage (COM), at certificate of death (COD) ang isang Mary Grace Piattos sa kanilang database.
Samantala, sinabi rin ni Mapa na magsasaliksik pa ang PSA kung magkaroon ng karagdagang impormasyon, tulad ng pangalan ng mga magulang at petsa at lugar ng mahalagang kaganapan hinggil sa sinasabing personalidad.
“If additional information such as the name of parents of the subject, date and place of the vital event can be provided, we can search further and be able to ascertain whether the civil registry document is available in the database,” ani Mapa.
Matatandaang sa isinagawang pagdinig ng Kamara kamakailan hinggil sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), nausisa ang pangalang Mary Grace Piattos na umano’y tumanggap ng confidential funds.
Iginiit ng mga mambabatas na tila kombinasyon daw ang naturang pangalan ng isang restaurant at brand ng sitsirya.
Kamakailan lamang naman ay nagbigay na ng reaksiyon si Vice President Sara Duterte patungkol sa mga lagda ng halos mahigit 1,200 umanong resibong pirmado ng nasabing “Mary Grace Piattos.”
MAKI-BALITA: VP Sara, nagsalita na patungkol sa misteryo ni Mary Grace Piattos