Inanunsiyo ng Malacañang na mananatili sa Nobyembre 30, Sabado, ang paggunita para sa Araw ni Andres Bonifacio.
Ibinababa ng Office of the Executive Secretary (OES) ang abisong ito ngayong Miyerkules, Nobyembre 27, tatlong araw bago ang ika-161 kaarawan ng Supremo ng Katipunan.
Matatandaang noong 2023 ay inilipat ng palasyo ang petsa ng Araw ni Bonifacio sa Nobyembre 27 bilang bahagi ng “holiday economics” sa ilalim ng Proclamation No. 90 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa pamamagitan ng “holiday economics,” inililipat ang isang holiday na pumapatak sa araw ng trabaho sa pinakamalapit na katapusan ng linggo upang magkaroon ng mas mahabang panahon ang mga manggagawa na magbakasyon.
Muli itong ipinakilala ng administrasyong Marcos na nauna nang umugong noong panahon ng pamumuno ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.