Aminado ang comedy queen na si Ai Ai Delas Alas na may kalandian at kasutilan daw talaga siyang taglay noong kabataan niya.
Sa latest episode kasi ng “My Mother, My Story” nitong Linggo, Oktubre 27, inusisa ni Asia’s King of Talk Boy Abunda kung paanong nagkaroon ng maraming jowa si Ai Ai gayong istrikta ang kaniyang nanay.
“Istrikto si Nanay Justa sa mga nanliligaw, sa mga lalaki. Pero medyo marami-rami ang iyong naging boyfriend?” tanong ni Boy.
“Kasi malandi ako,” natatawang sagot ni Ai Ai. “Kasi ‘di ba gano’n ‘pag bawal? Kasi pinagbabawalan niya ako. Sutil talaga ako, sa totoo lang.
Gayunman, hindi raw niya nagawang labanan o pagsalitaan nang masama ang kaniyang ina. Idinadaan na lang niya raw sa mahahabang sulat ang nararamdaman.
Si Nanay Justa—na tita rin ni Ai Ai—ang kumupkop sa kaniya matapos siyang ipaampon ng kaniyang biological mother na si Gregorio delas Alas.