November 24, 2024

Home BALITA National

LPA, mataas tsansang maging bagyo sa susunod na 24 oras

LPA, mataas tsansang maging bagyo sa susunod na 24 oras
Courtesy: PAGASA/FB screengrab

Itinaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang posibilidad na maging bagyo at pumasok sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) ang binabantayang low pressure area (LPA) sa silangan ng Southern Luzon.

Sa Weather Forecast ng PAGASA dakong 4:00 ng madaling araw nitong Linggo, Oktubre 20, inihayag ni Weather Specialist Grace Castañeda na huling namataan ang LPA sa labas ng PAR 1,395 kilometro ang layo sa silangan ng Southern Luzon.

Posibleng pumasok ng PAR ang nasabing LPA ngayong tanghali o gabi, at mabuo bilang isang bagyo sa susunod na 24 oras, ani Castaneda.

Sa kasalukuyan ay nakaaapekto na rin ang extension o trough ng LPA sa ilang bahagi ng bansa, kung saan inaasahan itong magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Cagayan, Isabela, Aurora, at Quezon.

National

OFW sa Middle East, panalo ng ₱37M sa Super Lotto

Inaasahan ding magdudulot ang trough ng LPA ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Eastern Visayas at Bicol Region.

Samantala, malaki ang tsansang magdadala ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ), o ang linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Zamboanga Peninsula, BARMM, Sultan Kudarat, Sarangani, at Palawan.

Bahagyang maulap hanggang sa maulap na may tsansa ng isolated rainshowers o thunderstorms din ang inaasahang mararanasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms.