December 23, 2024

Home FEATURES Kahayupan (Pets)

Biik minukbang nga ba ng isang aswang sa Aklan?

Biik minukbang nga ba ng isang aswang sa Aklan?
Photo courtesy: Screenshot from Jomar Maang's video (FB)

Bumulaga sa isang magbababoy at ilang kawani ng barangay ang kalunos-lunos na sinapit ng isang biik sa Aklan matapos nila itong matagpuang wakwak at hati ang katawan.

Gabi noong nakaraang linggo nang bibisitahin na raw sana ni Delbert Agravio ang kaniyang alaga ngunit laking gulat niya nang makita niyang walang laman ang kulungan nito. Hinanap nila ito sa paligid at sa di kalayuan ay doon na tumambad sa kanila ang walang buhay niyang alagang biik.

Hindi nila inasahan na hati at biyak ang katawan nito, nawawala rin ang lamang loob gayundin ang kalahating bahagi pa ng katawan. Palaisipan din sa kanila kung paano ito nangyari sa kaniyang alaga dahil wala rin silang natagpuang dugo sa paligid ng bangkay ng biik.

Hinala ni Kagawad Jomar Maang at ng may-ari ng biik, hindi raw tao at hindi rin hayop ang bumanat sa kaniyang alaga, kung hindi isang aswang.

Kahayupan (Pets)

Animal Rescue PH, nagdaos ng Christmas Party para sa rescued furbabies!

Sa isang panayam ng media kay Delbert, kumbinsido siya na hindi raw tao ang dumali sa kaniyang alaga lalo na’t walang bakas ng ebidensya na tao ang gumawa nito. Aniya, imposible raw na tinaga ang kaniyang biik para mahati ang katawan nito lalo na’t perpekto itong nabiyak.

Bagama’t nabanggit din niya na kadalasan daw ay may gumagalang bayawak at mga ligaw na aso kanilang lugar, tila imposible rin daw na ito ang maging salarin sa sinapit ng biik.

Sa video na kuha ni Kagawad Jomar, makikitang tanging itaas na bahagi lang ang natira sa biik at malinis na nasaid ang laman loob nito, na kahit pati ang dugo nito ay wala ring natira. Aniya, itinutok daw niya mismo ang camera sa loob ng katawan ng biik sa baka-sakaling may masipat pang laman loob nito, ngunit bigo sila.

Agad na kumalat ang mga haka-haka sa kanilang lugar kung aswang nga ba ang umano’y dumali sa kaniyang biik.

Samantala, pinaalerto ngayon ng kapitan ng barangay ang lahat ng mga may alagang hayop kasunod ng naturang insidente.

Kate Garcia