December 23, 2024

Home BALITA

KOJC Cathedral, pasasabugin ng PNP 'pag hindi sinuko si Quiboloy

KOJC Cathedral, pasasabugin ng PNP 'pag hindi sinuko si Quiboloy
Photo courtesy: via Balita

Binigyan umano ng ultimatum na dalawang oras ng Philippine National Police (PNP) ang mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na ilabas at isuko si Pastor Apollo Quiboloy, bago nila pasabugin ang KOJC Cathedral na nasa loob ng KOJC compound sa Davao City, batay sa ulat ng DZAR SMNI Radio. 

Nauna na umanong sinabi ng KOJC na matagal nang wala sa kanilang compound si Pastor Quiboloy, nang madiskubre nito ang planong "extraordinary rendition" ng Amerika laban sa kaniya. 

Tuloy pa rin ang paghalughog ng awtoridad sa KOJC compound  para mahanap si Quiboloy, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. nitong Martes, Agosto 27, kahit may inilabas na Temporary Protection Order si Davao City Regional Trial Court Branch 15 Presiding Judge Mario Duaves para sa pagtanggal ng iba't ibang uri ng "barricades, barriers or blockade" na pumipigil sa mga miyembro ng KOJC na makapasok sa compound.

“What the order stated is to remove all forms of barricades, barriers or blockade that bar the access to and from the subject compound and hinder petitioner’s religious and academic property rights and the pursuit thereof by its officers and members within the surrounding premises,” ani Abalos sa mga mamamahayag.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“But it did not specifically say that the police must stop the operation. This will continue and I guarantee that this operation to find Pastor Quiboloy will continue,” dagdag pa ni Abalos.

MAKI-BALITA: PNP, tuloy pa ring hahalughugin ang KOJC compound—Abalos

Matatandaang noong Sabado, Agosto 24, nang simulang pasukin ng nasa 2,000 Police (PNP) personnel ang compound ng KOJC upang isilbi ang arrest warrant ni Pastor Apollo Quiboloy at mga kapwa-akusado nito.

MAKI-BALITA: 2,000 pulis, hinalughog KOJC compound para kay Quiboloy

Samantala, sa isang press conference ay pinabulaanan ng PNP ang unang ulat ng DZAR SMNI Radio na bobombahin umano nila ang KOJC Cathedral, ayon kay P/Maj. Catherine dela Rey, PRO 11 Spokesperson.

"Isa na namang kasinungalingan ang pinapalabas ng KOJC, na bobombahin namin ang kanilang compound," ayon kay dela Rey. 

"Kagaya ng kasinungalingan na sinasabi nila na pinutulan na namin sila ng tubig at kuryente. Eh kagabi, ang ganda-ganda ng ilaw ng KOJC compound. Kaya sa lahat ng mga mamamayan natin, huwag agad maniniwala sa mga ipinalalabas nilang kasinungalingan."