Iginiit ni Senador Risa Hontiveros na hangga’t nasa pwesto si Vice President Sara Duterte ay nananatili umanong panganib ang banta ng pagbabalik ng mga Duterte sa kapangyarihan.
Sa kaniyang solidarity speech sa ginanap na 9th National Congress ng Akbayan nitong Huwebes, Agosto 1, iginiit ni Hontiveros na malaki umano ang kalat na naiwan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bansa, tulad ng epekto ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyon nito.
“Alam ko po na ang daming kalat ni Duterte na hirap na hirap tayong linisin. Ang kadiliman noong panahon niya ay talaga namang nanuot sa ating lipunan. Parang mantsa na napakahirap tanggalin,” ani Hontiveros.
“At habang ang anak niya ay may kapangyarihan pa, hindi magiging madali ang ating laban.”
“While VP Sara is in power, the threat of a full-blown Duterte comeback is still a very real and present danger,” saad pa ng senadora.
Isinagawa ng Akbayan ang 9th National Congress upang igiit ang positioning nito bilang “primary opposition political party” sa bansa, sa gitna raw ng paksyon ng Marcos-Duterte.