Iginiit ni Benjamin Mendillo Jr., komisyoner sa pangasiwaan at pananalapi ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na dapat gamitin ang wikang Filipino hindi lamang sa mga paaralan kundi maging sa propesyon tulad ng mga job interview at eksaminasyon para sa bawat indibidwal na mas magaling sa wikang ito.
Sinabi ito ni Mendillo sa isang press conference nitong Lunes, Hulyo 29, para sa pagsisimula ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Agosto.
“Ang panawagan ay ganito. Maaari kasing sabihin nating intelektwalisado, ituturo ng mga guro sa mga mag-aaral sapagkat sinabi nating dahil sila ay makabansa, makawika. Pero kung pagkatapos nito, haharap sila sa isang standard professional examination na nakasulat sa Ingles, titiyakin kong lalagpak sila. Sapagkat nakahulma ‘yun sa kaisipan at sikolohiyang Ingles,” ani Mendillo.
“Kaya ang pagbuo ng isang eksaminasyon, dapat ay panlasang Pilipino rin. Nakapadron tayo doon sa global standards, hindi sa Philippine o localized standards,” dagdag niya.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Mendillo na nagkaroon ng pag-uusap ang KWF at Philippine Regulations Commission (PRC) pitong taon na ang nakararaan upang igiit umanong dapat na ang mga eksaminasyon ay magkaroon din ng option na Ingles at Filipino.
“Ang mga eksaminasyon natin dapat ay may opsyon na Ingles at/o Filipino. Para doon sa mga mas pinipili nilang sila ay mas maalam sa Filipino, meron silang opsyon na gamitin iyon. Sa ganoong paraan, hindi lang nakabitin ‘yung konsepto na pagkatapos ituro, paglabas nila sa tunay na buhay, wala namang palang gumagamit,” giit ni Mendillo.
“Kahit sa interview, ang gagamitin ng HR, Ingles. Ang curriculum vitae nakasulat sa Ingles. Lahat naka-Ingles.
“So talagang pangmalawakan ang pagkilos. Hindi lamang po sa korporasyon o sa eskwelahan, dapat pati sa gobyerno hanggang sa pagkuha ng trabaho. Ganoon po dapat natin tinitingnan ang intelektwalisadong paggamit ng wika. Para lalo nating tangkilikin ito hindi lamang tuwing Buwan ng Wika. Dapat nagagamit talaga siya pati sa propesyon,” saad pa niya.