November 24, 2024

Home BALITA National

LPA sa loob ng PAR, may posibilidad na maging bagyo -- PAGASA

LPA sa loob ng PAR, may posibilidad na maging bagyo -- PAGASA
Courtesy: PAGASA/Facebook screengrab

Hindi inaalis ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang posibilidad na maging bagyo ang binabantayan nitong low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR).

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA dakong 4:00 ng madaling araw nitong Linggo, Hulyo 28, iniulat ni Weather Specialist Grace Castañeda na huling namataan ang LPA 440 kilometro ang layo sa silangan ng Catarman, Northern Samar.

“Nananatiling mababa ang tsansa nito na maging bagyo ngunit hindi pa rin natin inaalis ‘yung possibility na sa mga susunod na araw ay ito ay ma-develop at maging isang ganap na bagyo,” ani Castañeda.

Sa kasalukuyan ay inaasahang magdudulot daw ang naturang LPA ng maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Eastern Visayas, Bicol Region, at Quezon.

National

Sen. Bato, iginiit na ‘di 'active threat' tirada ni VP Sara vs PBBM: ‘Maybe a conditional threat'

Samantala, patuloy pa rin ang epekto ng southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng bansa, kung saan inaasahan din itong magdadala ng maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Ilocos Region, Zambales, at Bataan.

Bukod dito, malaki ang tsansang makararanas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong mga pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Batangas, Occidental Mindoro, at Palawan bunsod din ng habagat.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong mga pag-ulan o thunderstorms din ang posibleng maranasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms.