Nagpahayag ng pakikiisa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagdiriwang ng Iglesia Ni Cristo (INC) ng ika-110 anibersaryo ngayong Sabado, Hulyo 27.
“Sa panahon ng kagalakan at sa gitna ng mga pagsubok, ang ating pananampalataya ang nagsisilbing ilaw sa ating landas at nagbibigay-lakas sa atin upang patuloy na magsikap at mangarap para sa mas magandang buhay. Ito rin ang gumagabay sa atin upang maging malikhain, matulungin, at kapaki-pakinabang na mamamayan, alinsunod sa mga salita at aral ng Poong Maykapal,” ani Marcos sa isang pahayag.
Binanggit din ng pangulo na isang makasaysayang pagdiriwang ang ika-110 anibersaryo ng INC na nagpapatunay daw ng kanilang “pag-ibig sa Diyos, katatagan, at dedikasyon bilang mga kasapi ng INC.”
“Nawa'y magpatuloy kayong maging inspirasyon hindi lamang sa inyong pamayanan, kung hindi para sa buong bansa. Ang inyong walang-sawang paglilingkod at mga gawain ay naglalarawan ng pagkakaisa, pag-unlad, at mas malalim na pang-unawa bilang isang sambayanan,” aniya.
Hinikayat din ng punong ehekutibo ang lahat ng mga kasapi ng INC na pagtibayin ang kanilang mga pananampalataya at pagmamahal sa Panginoon at sa kanilang kapwa.
“Sama-sama nating ipagdasal at pagsikapan ang ating kinabukasang puno ng pag-asa, kasaganaan, at kapayapaan para sa mga Pilipino at sa buong sangkatauhan. Sa bawat hakbang ng kabutihan at malasakit, maging instrumento nawa tayo ng pagbabago sa ating lipunan, at ating isakatuparan ang Bagong Pilipinas na makabubuti para sa lahat,” ani Marcos.
“Mabuhay tayong lahat sa liwanag ng pagmamahalan at pagtutulungan. Maligayang pagdiriwang sa buong Iglesia ni Cristo!” saad pa niya.