Patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) ngayong Biyernes, Hulyo 26.
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA dakong 4:00 ng madaling araw, iniulat ni Weather Specialist Daniel James Villamil na huling namataan ang naturang LPA 1,035 kilometro ang layo sa silangan ng Southeastern Mindanao.
Maliit pa naman daw ang tsansang maging bagyo ang LPA sa loob ng 24 hanggang 48 oras, ngunit inaasahan itong magdudulot ng mga pag-ulan sa silangang bahagi ng bansa simula sa Linggo, Hulyo 28.
Samantala, sa kasalukuyan ay ang southwest monsoon o habagat ang kasalukuyang nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa PAGASA.
Inaasahan itong magdudulot ng monsoon rains o tuloy-tuloy na malalakas na buhos ng ulan sa Ilocos Region, Batanes, at Babuyan Islands, at ng occasional rains o pagbugso-bugsong pag-ulan sa Bataan, Zambales, Pampanga, at Benguet.
Bukod dito, magdadala rin ang habagat ng maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon, at maging ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Visayas.
Pulo-pulong mga pag-ulan o thunderstorms din ang posibleng maranasan sa Mindanao dahil naman sa localized thunderstorms.
Samantala, ayon sa weather bureau, wala naman nang direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa ang bagyong Gaemi o Carina na huling namataan sa layong 615 kilometro sa North Northwest ng Itbayat, Batanes sa labas ng PAR.