Hindi panlunas ang siling labuyo sa sakit na dengue na nakukuha sa kagat ng lamok.

Ito ang ginawang paglilinaw ng Department of Health (DOH) matapos na mag-viral ang isang social media post na nagsasaad na ang siling labuyo ay napakahusay umanong panlunas sa naturang karamdaman.

Sa inilabas na isang abiso ng DOH nitong Huwebes ng hapon, sinabi ng DOH na wala pang anumang ispesipikong lunas para sa dengue.

Iginiit ng DOH na ang pinakamabisa pa ring paraan upang makaiwas sa dengue ay umiwas sa kagat ng lamok.

Hinikayat din nito ang publiko na magsuot ng long sleeves at pantalon upang takpan ang balat, at ipagpatuloy ang paggamit ng mosquito repellent lotions at sprays.

Anang DOH, makatutulong din ang pagpapanatiling malinis sa paligid at pagpuksa sa mga lugar na pinamumugaran ng lamok.

Nabatid na kabilang sa mga sintomas ng dengue ay lagnat, pananakit ng ulo, kalamnan at kasu-kasuan, pagduduwal at rashes sa balat.

Pinayuhan naman ng DOH ang publiko na sakaling makaranas ng sintomas ng dengue ay huwag mag-atubiling kaagad na magpakonsulta sa doktor.

Batay sa datos ng DOH, simula Enero hanggang Mayo 25 ng kasalukuyang taon, ay umaabot na sa 67,874 dengue cases ang kanilang naitala sa bansa, kabilang dito ang 189 pasyente na sinawimpalad na bawian ng buhay.