Umaabot na sa mahigit 4.9 milyon ang deactivated voters matapos na alisin ng Commission on Elections (Comelec) sa listahan ng mga botante.

Sa datos na ibinahagi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia sa media nitong Lunes ng gabi, nabatid na kabuuang 4,903,415 botante ang na-deactivate at hindi makakaboto sa 2025 National and Local Elections (NLE), hanggang noong Abril 15, 2024.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Ayon sa Comelec, karamihan sa mga botanteng inalis sa listahan na nasa 4,898,744 ay na-deactivate dahil sa kabiguang makaboto ng dalawang magkasunod na halalan.

Mayroon namang 1,003 botante ang inalis sa listahan dahil hindi ma-validate ang rekord.

Nasa 3,663 naman ang deactivated voters sa ilalim ng kategoryang "Excluded per Court Order.”

May tatlong botante naman ang inalis sa listahan dahil sa pagkawala ng kanilang Filipino citizenship.

May tig-isang botante naman ang deactivated sa ilalim ng mga kategoryang "Sentenced by Final Judgment of Having Committed Any Crime Involving Disloyalty to the Duly Constituted Government or Any Crime Against National Security" at "Sentenced by Final Judgment to Suffer Imprisonment for Not Less Than One Year."

Anang poll body, pinakamaraming botante ang na-deactivate mula sa Region IV-A (Calabarzon) na nasa 733,903, kasunod ang National Capital Region (NCR) na may 618,121 at Region III (Central Luzon) na may 503,297.

Maaari pa namang magpa-reactivate ng kanilang rehistro ang mga naturang deactivated voters hanggang sa Setyembre 30, 2024, na siyang deadline ng isinasagawang voter registration ng poll body, upang makaboto sa midterm polls.