Sang-ayon si Senador Risa Hontiveros sa pagsuspinde ng Office of the Ombudsman kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo nitong Lunes, Hunyo 3.
Ang naturang suspensyon ay kasunod ing isinampang reklamo ng katiwalian ng Department of the Interior and Local Government (DILG) laban kay Guo dahil sa pagkakasangkot umano nito sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa kaniyang lugar.
BASAHIN: Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, sinuspinde ng Ombudsman
Sa isang pahayag sinabi ni Hontiveros na unang bisita pa lamang nila sa ni-raid na POGO ay nanawagan na siyang suspendihin si Guo.
"Dapat lang. Nung unang bisita palang namin sa niraid na POGO sa Bamban, Tarlac, ipinanawagan ko na ang preventive suspension laban kay Mayor Alice Guo,” ani Hontiveros.
“We also received information that she tried to obstruct the ongoing investigation immediately after the POGO was raided. This should have already warranted a suspension. We only hope this is not too late,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ng senadora na mayroong kinalaman si Guo sa POGO kahit na ilang beses pa raw aniya itong magsinungaling.
“Mayor Guo also undoubtedly has ties with POGO. Kahit ilang beses pa siyang magsinungaling, kahit ilang beses pa niyang hindi maalala, dokumentado ang koneksyon niya sa POGO. Let us not forget, this is a POGO with alleged hacking and surveillance activities. POGO na puro scams, krimen, at human trafficking ang dala sa bansa,” saad ni Hontiveros.
“I look forward to our Executive Session soon. Inaasahan ko na mas lalong maliliwanagan tayo sa totoong papel ni Alice Guo hindi lang sa mga POGO, kundi pati sa mga banta sa ating pambansang seguridad.”