Isang lucky bettor mula sa Cavite ang pinalad na magwagi ng ₱46 milyong jackpot prize ng Mega Lotto 6/45 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Lunes ng gabi.

Sa isang abiso nitong Martes, sinabi ng PCSO na matagumpay na napanalunan ng lucky winner ang jackpot prize ng MegaLotto 6/45 na ₱46,011,957.80 matapos na mahulaan ang winning combination na 33-17-40-09-42-20.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Ayon sa PCSO, nabili ng lucky winner ang kanyang lucky ticket sa lotto outlet sa LLML COMM Bldg., sa Magallanes, Cavite.

Upang makubra ang kanyang premyo, kinakailangan lamang ng lucky bettor na magtungo sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.

Kinakailangan din umano nitong iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang balidong IDs.

Nagpaalala naman ang PCSO na ang lahat ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon, mula sa petsa nang pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa Charity Funds ng PCSO.

Ang lahat naman umano ng lotto winnings na higit ₱10,000 ay papatawan ng 20% tax, sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Kaugnay nito, muli rin namang hinikayat ni PCSO General Manager Mel Robles ang publiko na patuloy na suportahan ang kanilang gaming products upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo ay makatulong pa sa kawanggawa.

Ang Mega Lotto 6/45 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.