Umabot sa “danger” level ang heat index sa limang lugar sa bansa nitong Lunes, Marso 25, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA, naramdaman ang heat index na 43°C sa Davao City, Davao del Sur, at Zamboanga City, Zamboanga del Sur.

Nasa 42°C naman daw ang heat index sa Cotabato City, Maguindanao; Dagupan City, Pangasinan, at Science Garden Quezon City.

Ang heat index ay ang pagsukat umano kung gaano kainit ang nararamdaman kapag ang “humidity” ay isinasama sa aktwal na temperatura ng hangin.

Ayon din sa PAGASA, maaaring malagay sa “danger” level ang mga heat index mula 42°C hanggang 51°C dahil posible rito ang “heat cramp” at “heat exhaustion."