Kaakibat ng pagtatapos ng Amihan season, inaasahang magdudulot ang easterlies ng mainit na panahon sa bansa ngayong Sabado, Marso 23, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Aurora, Quezon, at Camarines Norte dahil sa easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, malaki rin ang tsansang magdulot ang easterlies, maging ang localized thunderstorms, ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.

National

'HELLO, SUMMER!' PAGASA, idineklara pagtatapos ng Amihan season sa bansa

Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Matatandaang nitong biyernes, Marso 22, nang idineklara ng PAGASA ang pagtatapos ng Amihan season at pagsisimula ng tag-init sa bansa.