Magandang balita dahil simula sa Abril 1 ay magiging ₱6,000 na ang minimum na buwanang sahod ng mga kasambahay sa Central Luzon.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ang pagtanggap ng mas mataas na sahod ng mga kasambahay sa Region 3 ay kasunod nang paglalabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang motu propio Wage Order No. RBIII-DW-03.

National

PNP, nakasamsam ng tinatayang <b>₱20B halaga ng ilegal na droga sa buong 2024</b>

Sa ilalim ng naturang wage order na inaprubahan noong Marso 4, 2024, itinataas na ang buwanang minimum na sahod ng mga kasambahay ng ₱1,000 sa Chartered Cities at First Class Municipalities at ₱1,500 naman sa iba pang munisipalidad.

Dahil dito, magiging ₱6,000 na ang buwanang minimum na sahod ng mga kasambahay sa rehiyon mula sa dating ₱5,000 lamang sa cities at first class municipalities at mula sa ₱4,000 naman sa iba pang munisipalidad.

Ayon sa DOLE, inaasahang makikinabang ang kabuuang 126,762 na mga kasambahay sa pagtaas ng sahod kung saan ang humigit-kumulang na 9% (11,595) sa kanila ay nasa live-in arrangement.

Bilang pagsunod naman sa mga umiiral na batas at patakaran, isinumite ang wage order sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) para sa pagsusuri at pinagtibay ito noong Marso 12, 2024.

Ipapalathala ang naturang wage order sa Marso 16, 2024 at magkakabisa 15 araw matapos ang publikasyon, o sa Abril 1, 2024.

Nabatid na isinaalang-alang sa pagtaas ng sahod ang resulta ng isinagawang survey at idinaos na pampublikong pagdinig, gayundin ang mga pangangailangan ng mga kasambahay at kanilang pamilya, ang kakayahang magbayad ng employer, at ang kasalukuyang panlipunan-ekonomiyang kondisyon ng rehiyon.

Nabatid na ang Lupon, na binubuo ng mga kinatawan mula sa pamahalaan, namumuhunan, at sektor ng manggagawa, ay nagsagawa ng pampublikong pagdinig sa rehiyon noong Pebrero 25, sa San Fernando City, Pampanga.

Magsasagawa naman ng information campaign ang RTWPB III upang tiyakin ang pagsunod sa bagong wage order.

Anang DOLE, "Para sa karagdagang paglilinaw mula sa wage order, maaaring mag-email sa RTWPB sa [email protected]."

Nabatid na ang huling wage order para sa mga kasambahay sa rehiyon ay inisyu noong Mayo 30, 2022 at naging epektibo noong Hunyo 20, 2022.