Nag-react si Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri hinggil sa umuugong na bali-balitang kudeta laban sa kaniyang liderato sa Senado.

Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Martes, Pebrero 19, sinabi ni Zubiri na noong nakaraang linggo pa raw niya nalaman ang naturang bali-balita ukol sa umano’y kudeta laban sa kaniya.

"Nalaman ko pa ‘yan last week pa. So sa amin, trabaho lang kami. We will just focus on the job at hand and we'll not lose sight on the most important things to help the Filipino people," ani Zubiri.

Sinabi rin ng senate president na pinauubaya na umano niya ang naturang isyu sa kaniyang mga kapwa senador.

Zubiri, hinikayat PMA na protektahan ang Konstitusyon

"I serve at the pleasure of my colleagues. I am extremely honored to serve at the pleasure of my colleagues. Ganoon na lang naman ‘yan. I leave it to the wisdom of my majority," aniya.

Base sa mga bali-balita, may kumakalat umanong resolusyon para palitan si Zubiri sa puwesto, kung saan kailangan daw ng 13 na pirma mula sa 24 na mga senador para rito.

Samantala, nauna nang iginiit ng ilang mga senador na hindi raw totoo ang nasabing planong kudeta, at pabor daw sila sa pamamahala ni Zubiri sa Senado.

Ayon pa kay Senador Nancy Binay, maaaring umugong umano ang naturang isyu para magkawatak-watak ang mga senador sa gitna ng kanilang pagpupursiging pigilan ang People’s Initiative (PI) na naglalayong isulong ang Charter Change (Cha-Cha) at amyendahan ang 1987 Konstitusyon.

“Pare-pareho kami ng sentimyento na mukhang strategy talaga ito to divide and conquer katulad ng nabanggit kanina ni Sen. JV Ejercito,” ani Binay sa programang “Sa Totoo Lang” ng Radyo Singko.

Kaugnay na Balita: