Nanguna sina Vice President Sara Duterte at Senador Raffy Tulfo bilang presidential bet para sa 2028 national elections, ayon sa survey ng data research firm na Tangere.

Base sa survey ng Tangere na inilabas nitong Huwebes, Pebrero 8, lumabas daw na “statistically tied” sina Duterte at Tulfo bilang presidential bet sa 2028 dahil pareho raw silang nakatanggap ng “one-third” ng preferential votes mula sa 10 potential candidates.

Kulang sa isang porsyento ang lamang ng kasalukuyang bise presidente sa senador, kung saan 31.5% daw ng mga Pinoy ang nais na maging pangulo si Duterte habang 30.8% ang may gustong maging presidente si Tulfo.

Batay naman sa mga rehiyon ng bansa, si Duterte raw ang top choice sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao. Si Tulfo naman sa Northern Luzon, Central Luzon, at Southern Luzon.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Samantala, 12% daw ng mga Pinoy ang may gustong si dating Vice President Leni Robredo ang maging susunod na pangulo ng bansa. Sumunod dito si Senador Grace Poe na nakatanggap ng 10%.

Bukod sa apat na mga nabanggit, kasama rin sa listahan ng sampung nangunang potential presidential bets para sa 2028 sina dating Manila Mayor “Isko Moreno” Domagoso (6%), Senador Imee Marcos (3%), dating Senador Manny Pacquiao (2%), Senador Risa Hontiveros (1%), dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson (1%), at House Speaker Martin Romualdez (0.3%).

Hindi naman daw kasama sa naturang top 10 presidential bets ang pinili ng natitirang 4% ng respondents ng Tangere.

Isinagawa ang naturang survey mula Enero 20 hanggang 24, 2024.

Mayroon itong sample size na 2,000 na kalahok na pinangasiwaan sa pamamagitan ng mobile-based respondent application.

Mula sa naturang 2,000 na kalahok, 12% daw dito ang mula sa Metro Manila, 23% ang mula sa Northern Luzon, 22% ang mula sa Southern Luzon, 20% ang mula sa Visayas, at 23% ang mula sa Mindanao.