Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes na nakapagtala sila ng pagbaba o downward trend sa mga kaso ng dengue sa bansa, simula noong Disyembre 2023 hanggang Enero 2024.

Sa datos ng DOH, naobserbahan umano nila ang pagbaba ng 16% ng naitatalang nationwide dengue cases mula Disyembre 3 hanggang 16, na may 8,629 kaso hanggang Disyembre 17 hanggang 31, na may 7,274 kaso.

Ayon sa DOH, ito ay higit pang bumaba sa 5,572 kaso na lamang mula Enero 1 hanggang 13, 2024.

Nilinaw naman ng DOH, na maaari pang mabago ang naturang bilang dahil sa posibleng nahuling konsultasyon o ulat.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Samantala, iniulat din ng DOH na nakapagtala rin sila ng 14 pasyente na namatay sa dengue, simula Enero 1 hanggang 13, ngayong taon, o may case fatality rate na 0.25%.

Sa kabila naman ng downward trend, nagpaalalang muli ang DOH sa publiko na maging maingat upang makaiwas sa dengue at sundin ang kanilang “5S” strategy laban sa dengue na ‘Search and destroy mosquito breeding grounds; Self-protect; Seek consultation; Support fogging in outbreak areas at Sustain hydration.'