Muling iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA​) nitong Martes, Enero 16, na sumusunod ang Pilipinas sa “One-China Policy” matapos batiin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang bagong halal na pangulo ng Taiwan na si Lai Ching-te.

Sa isang pahayag, ipinaliwanag ng DFA na ang naging pagbati ni Marcos ay paraan lamang daw niya ng pasasalamat sa pagtanggap ng Taiwan sa humigit-kumulang 200,000 overseas Filipino workers (OFWs) doon.

"The message of President Marcos congratulating the new president was his way of thanking them for hosting our OFWs and holding a successful democratic process," paliwanag ng DFA.

"Nevertheless, the Philippines reaffirms its One-China Policy," saad pa nito.

PBBM kay Taiwanese president-elect Lai: ‘We look forward to close collaboration’

Matatandaang nito lamang Lunes ng gabi, Enero 15, ay binati ni Marcos si Lai sa pagkapanalo nito sa halalan ng pagkapangulo sa Taiwan.

“On behalf of the Filipino people, I congratulate President-elect Lai Ching-te on his election as Taiwan’s next President. We look forward to close collaboration, strengthening mutual interests, fostering peace, and ensuring prosperity for our peoples in the years ahead,” ani Marcos sa kaniyang X post.

Ni-repost naman ito ni Lai at nagpasalamat sa pagbati ni Marcos.

“Thank you, President [Marcos] for your congratulations. I deeply value the enduring friendship between Taiwan & the Philippines. I look forward to enhancing our economic and people-to-people ties while championing democracy, peace & prosperity in the region,” saad ni Lai sa kaniyang X post.

Samantala, hindi ang naturang pahayag ng DFA ang unang beses kung saan iginiit ng ahensya ang “One-China Policy” matapos ang naging pagkapanalo ni Lai noong Sabado, Enero 13.

Noon lamang Linggo, Enero 14, sinabi ng DFA na patuloy raw na naniniwala ang Pilipinas sa “One China policy,” kung saan nakasaad dito na ang Taiwan ay bahagi umano ng China at pamahalaan nito.