Inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na itataas nila ang kanilang alert status sa "Blue Alert" simula sa Linggo, Enero 7, bilang paghahanda umano sa "Traslacion" 2024 o ang Pista ng Itim na Nazareno.

Ayon kay NDRRMC Executive Director Ariel Nepomuceno nitong Biyernes, Enero 5, itataas nila ang alert status ng NDRRM Operations Center (NDRRMOC) sa Blue Alert upang matiyak daw ang kaligtasan ng mga deboto sa sa "Traslacion" 2024.

Ang Blue Alert Status ay tumutukoy sa isang kondisyon kung saan kalahati ng NDRRMC ang naka-standby para tumulong sakaling magkaroon ng emergency..

"Manned by the Office of Civil Defense (OCD) Operations Service personnel, heightened monitoring and close coordination with relevant agencies and uniformed services will be carried out by the NDRRMOC," ani Nepomuceno na inulat ng Manila Bulletin.

Metro

PBBM, idineklara Enero 9 bilang holiday sa Maynila

Sinabi rin ni Nepomuceno na ide-deploy rin ang incident management team (IMT), sa pamumuno ng Manila City DRRM Office, upang subaybayan ang sitwasyon at pamahalaan ang mga insidenteng maaaring makaharap sa prusisyon.

Nakikipag-ugnayan na rin umano ang OCD regional office National Capital Region (NCR) sa Manila DRRM Office kaugnay sa naturang paghahanda sa Traslacion 2024.

Matatandaang idineklara ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang Enero 9, Martes, bilang special non-working day sa Lungsod ng Maynila upang bigyang-daan daw ang pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno.