Inaasahang magdudulot ng mga pag-ulan ang northeast monsoon o amihan, shear line, at easterlies sa ilang bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Enero 5, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Bicol Region, Northern Samar, at Eastern Samar dahil sa shear line o ang pagsasalpukan umano ng mainit at malamig na hangin.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon umano ng malalakas na ulan.

Posible naman ang maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora, at Quezon dahil sa amihan.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Mindanao, mga natitirang bahagi ng Visayas, ar MIMAROPA dahil sa easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, at dahil sa localized thunderstorms.

Posible naman ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Inihayag din ng PAGASA na posible ring magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.

Wala naman ding matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.