Nanawagan si Senador Imee Marcos sa Department of Transportation (DOTr) na bawiin na ang deadline para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Sa isang pahayag nitong Huwebes, Disyembre 28, iginiit ni Marcos na mula pa umano noong 2017 ay hindi na nasusunod ang deadline ng PUVM na inilarawan niya bilang “deadly.”

“Nananawagan ako sa DOTr na bawiin na ang mga ‘deadly deadline’ ng programang PUV modernization, na mula 2017 ay hindi naman nasusunod,” ani Marcos.

Ayon pa sa senadora, kailangan daw na pakinggan muna ang mga daing ng PUV operators, drayber, at commuter hingil sa nasabing programa ng pamahalaan.

National

‘Pinas, hindi babalik sa ICC – Malacañang

“Maliwanag na kailangan bumalik sa malawakang pulong-pulong at pagkokonsulta sa lahat ng operator, drayber, at commuter,” giit ni Marcos.

“Sino bang may ayaw ng bagong sasakyan? Pero sino naman, sa hirap ng buhay ngayon, ang may pambayad?” pagbibigay-diin pa niya.

Sa Disyembre 31, 2023 ang nakatakdang deadline para sa consolidation ng mga PUV.

Kaugnay nito, matatandaang nito lamang Disyembre 12, 2023 nang ihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi na umano palalawigin ang deadline para sa naturang consolidation.

“We cannot let the minority cause further delays, affecting majority of our operators, banks, financial institutions, and the public at large. Adhering to the current timeline ensures that everyone can reap the benefits of the full operationalization of our modernized public transport system. Hence, the scheduled timeline will not be moved,” pahayag ni Marcos kamakailan.

Taong 2017 nang simulan ng Department of Transportation ang PUVMP. Ngunit tutol dito ang mga jeepney driver at mga operator dahil masyado umanong mahal ang modern jeepneys na maaari raw umabot sa mahigit ₱2 milyon.